Pagpalya ng Puso: Paggawa ng mga Pagbabago sa Iyong Diyeta

Mayroon kang kondisyon na tinatawag na pagpalya ng puso. Kapag mayroon kang pagpalya ng puso, mas malamang na maipon sa iyong katawan ang mga sobrang likido dahil hindi gumagana nang mabuti ang iyong puso. Ginagawa nitong mas magtrabaho ang puso upang magbomba ng dugo. Nagdudulot ang pagdami ng likido ng mga sintomas gaya ng kakapusan sa hininga at pamamaga (edema). Kadalasan itong tinatawag na congestive heart failure o CHF. Maaaring makatulong na ihinto ang pagkaipon ng likido sa pagkontrol ng dami ng asin (sodium) na iyong kinakain. Maaari ding sabihin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na bawasan mo ang dami ng likidong iniinom mo.

Pagbasa sa mga etiketa ng pagkain

Sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano karaming sodium ang makakain mo araw-araw. Basahin ang mga etiketa ng pagkain upang masubaybayan. Tandaan na ang ilang pagkain ay maraming asin. Kabilang dito ang mga pagkaing de-lata, ilado, at naproseso. Tingnan ang dami ng sodium sa bawat takal. Bantayan ang mga sangkap na maraming sodium. Kabilang dito ang MSG (monosodium glutamate), baking soda, at sodium phosphate. 

Pagkain ng mas kaunting asin

Bigyan ang sarili mo ng panahon na masanay sa pagkain ng mas kaunting asin. Maaaring magtagal ito nang kaunti. Narito ang ilang payo upang makatulong:

  • Alisin sa mesa ang asinan. Palitan ito ng mga panghalong damo at pampalasa na walang asin.

  • Kumain ng sariwa o simpleng iladong mga gulay. Mas kaunti ang asin ng mga ito kaysa sa mga de-latang gulay.

  • Pumili ng mga meryendang kaunti ang sodium gaya ng mga pretzel, kraker, o popcorn na walang sodium.

  • Huwag magdagdag ng asin sa iyong pagkain kapag nagluluto ka. Sa halip, timplahan ang iyong mga pagkain ng paminta, lemon, bawang, o sibuyas.

  • Kapag kumain ka sa labas, hilingin na lutuin ang iyong pagkain nang walang idinaragdag na asin.

  • Huwag kumain ng mga piniritong pagkain dahil madalas na maraming asin ang mga ito.

  • Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalasugan bago gumamit ng mga pamalit sa asin. Madalas na nagtataglay ang mga ito ng potassium at maaaring hindi maganda para sa iyong kalusugan. Magdedepende ito sa kung gaano kahusay gumagana ang iyong mga bato at kung ano-anong gamot ang iniinom mo. Ilang tao ang nangangailangan ng dagdag na potassium, pero ang ilan ay hindi.

Kung sinabihan kang limitahan ang mga likido

Sa ilang kaso, maaaring kailanganin mong limitahan kung gaano karaming likido ang iyong ikokonsumo upang matulungan kang maiwasan ang pamamaga. Kabilang dito ang anumang bagay na likido sa karaniwang temperatura, gaya ng sorbetes at sopas. Kung sabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na limitahan ang likido, subukan ang mga payong ito:

  • Sukatin ang mga inumin sa isang tasang panukat bago mo inumin ang mga ito. Makatutulong ito na maabot mo ang iyong pang-araw-araw na layunin.

  • Palamigin ang mga inumin upang gawing mas nakapagpapapresko ang mga ito.

  • Humigop ng iladong piraso ng lemon para pawiin ang uhaw.

  • Uminom lang kapag nauuhaw ka.

  • Ngumuya ng gum na walang asukal o sumipsip ng matigas na kending walang asukal upang mapanatiling basa ang iyong bibig.

  • Timbangin ang iyong sarili araw-araw upang malaman kung tumataas ang taglay na likido ng iyong katawan.

Ang aking layunin sa sodium

Maaari kang bigyan ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ng mithiin sa sodium na aabutin bawat araw. Kabilang dito ang sodium na natatagpuan sa pagkain pati na rin ang asin na idinagdag mo. Ang aking layunin ay kumain nang hindi hihigit sa ___________ mg ng sodium kada araw.

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga kung mayroon kang anumang sintomas ng lumulubhang pagpalya ng puso. Kabilang sa mga ito ang:

  • Biglang pagtaas ng timbang

  • Nadagdagang pamamaga ng iyong mga binti o bukung-bukong

  • Banayad na hirap sa paghinga kapag namamahinga ka o sa gabi

  • Dagdagan ang bilang ng mga unan sa pagtulog o pakiramdam na kailangang matulog nang nakaupo sa isang upuan

  • Tuyong ubo

  • Walang lakas o pakiramdam na mas napapagod

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung nangyari ang alinman sa mga ito:

  • Pananakit ng dibdib

  • Presyon, kawalang-ginhawa, o kirot sa panga,leeg,o likod

  • Sobrang hirap sa paghinga, alinman sa pamamahinga o sa gawain

  • Hindi normal na mabilis na pulso o bumabayong tibok ng puso

  • Pagkahimatay o matinding pagkahilo

  • Pagkatuliro o hindi makapag-isip nang malinaw

Online Medical Reviewer: Ronald Karlin MD
Online Medical Reviewer: Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer: Steven Kang MD
Date Last Reviewed: 10/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.