Ano ang Pangangalaga Sa Panahon ng Pagbubuntis (Prenatal Care)?

Bago magbuntis, maaaring naisama mo ang ilang mabubuting gawing pangkalusugan para maghanda sa iyong sanggol. Ngunit kung hindi man, magsimula na ngayon. Ang isa sa mga unang hakbang ay ang matutong pangalagaan ang sarili. Makipagkita kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung sa tingin mo ikaw ay buntis. Pagkatapos ay ipagpatuloy ang pangangalaga sa buong panahon ng iyong pagbubuntis.

Nakatutulong ang pangangalaga sa panahon ng pagbubuntis upang magkaroon ka ng malusog na sanggol

Sa panahon ng pangangalagang prenatal:

  • Sinusuri ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang kalagayan ng iyong pagbubuntis. Kinakalkula nila ang iyong due date. Magbibigay ito sa iyo ng pagtantya kung kailan maipapanganak ang iyong sanggol. Maraming buntis ang nagsisilang sa pagitan ng 38 at 41 linggo ng pagbubuntis. Ang iyong due date ay natutukoy sa pamamagitan ng pagbilang ng 40 linggo mula sa unang araw ng iyong huling regla.

  • Sinusuri ang progreso ng iyong pagbubuntis. Kabilang dito ang paglaki ng iyong sanggol, ang tibok ng kanyang puso, mga pagbabago sa iyong timbang at presyon ng dugo, at ang iyong pangkalahatang kalusugan at kaginhawahan.

  • Maaaring makakita ang iyong tagapangalaga ng kalusugan ng mga bagong alalahanin at pamahalaan ang mga kasalukuyang alalahanin bago pa man mangyari ang mga problema.

  • Susuriin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang mga pagsusuri sa laboratoryo gamit ang dugo at ihi.

  • Sasabihin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang mga normal na pagbabago sa panahon ng pagbubuntis. Sasabihin din niya ang tungkol sa mga pagbabago na maaaring hindi normal. At papayuhan ka nila tungkol sa iyong mga pagbabago sa estilo ng pamumuhay.

  • Sasagutin ng iyong tagapangalaga ang mga tanong mo. Tutulungan ka din nilang maghanda para sa pagle-labor at panganganak mo.

Bahagi ka ng isang pangkat

Kapag ikaw ay buntis, ikaw ay bahagi ng isang pangkat. Ikaw, ang iyong sanggol, at ang iyong tagapangalaga ay kabilang sa pangkat na ito. Maaaring kabilang din dito ang iyong asawa o isang tao na sumusuporta sa iyo. Siya ay maaaring isang mahal sa buhay, kagaya ng asawa, kapamilya, o kaibigan. Habang nagsisikap ka para maibigay ang mainam na kalagayan sa iyong sanggol, umasa ng suporta mula sa mga miyembro ng iyong pangkat.

Hindi pa huli ang lahat upang magsimula ng mabuting kinaugalian

Ang mahalaga ay protektahan ang iyong sanggol mula sa panahong ito. Kung naninigarilyo ka, umiinom ng alak, o gumagamit ng ipinagbabawal na droga, ngayon ang panahon upang huminto. Kung kailangan mo ng tulong, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.

  • Pinatataas ng paninigarilyo ang panganib ng pagkawala ng iyong sanggol. O pagkakaroon ng sanggol na may mababang timbang. Kung ikaw ay naninigarilyo, tumigil na.

  • Naiugnay sa maraming problema ang alak at mga droga. Kabilang sa mga ito ang pagkalaglag, depekto pagkapanganak, kakulangan sa pag-iisip, at mababang timbang. Iwasan ang alak at droga.

  • Kumain ng wastong pagkain. Makakatulong ito na panatilihing malakas at malusog ang iyong sarili at ang iyong sanggol. Sundin ang mga tagubilin ng iyong tagapangalaga para sa nutrisyon. Sundin din ang mga patnubay na ibinigay sa iyo para sa malusog na pagdagdag ng timbang.

  • Uminom ng 400 micrograms hanggang 800 micrograms (400 mcg hanggang 800 mcg o 0.4 mg hanggang 0.8 mg) ng folic acid araw-araw. Inumin ito nang hindi bababa sa 1 buwan bago mabuntis. At patuloy itong inumin sa unang tatlong buwan ng iyong pagbubuntis. Ito ay upang mapababa nito ang iyong panganib ng ilang depekto sa utak at gulugod pagkapanganak. Maaari kang makakuha ng folic acid mula sa ilang pagkain. Ngunit mahirap kumuha ng lahat ng folic acid na iyong kakailanganin mula lamang sa mga pagkain. Makipag-usap sa tagapangalaga ng iyong kalusugan tungkol sa pag-inom ng suplementong folic acid.

  • Makatutulong ang regular na ehersisyo upang manatili kang malusog at magkaroon ng mabuting pakiramdam habang nagbubuntis. Makatutulong din ito na maiwasan o mabawasan ang pananakit ng likod. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung paano ligtas na maisagawa ang pag-eehersisyo habang nagbubuntis.

  • Kung mayroon kang medikal na kondisyon, tiyaking ito ay nakokontrol. Kabilang sa ilang kondisyon ang hika, diyabetis, depresyon, mataas na presyon ng dugo, katabaan, sakit sa thyroid, o epilepsy. Tiyaking ang iyong bakuna ay napapanahon.

Paano nakaaapekto ang mga pang-araw-araw na problema sa iyong kalusugan

Maraming bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay ang nakaaapekto sa iyong kalusugan. Kabilang dito ang transportasyon, mga problema sa pera, pabahay, access sa pagkain, at pag-aalaga ng anak. Kung hindi ka makakakuha ng mga medical na appointment, maaaring hindi ka makatanggap ng pangangalaga na kailangan mo. Kapag kulang ang pera, maaaring mahirap na mabayaran ang mga gamot. At maaaring maging mahirap na bumili ng masustansyang pagkain ang pagtira na malayo sa isang grocery store.

Kung mayroon kang mga alalahanin sa alinman sa mga ito o iba pang larangan, makipag-usap sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan. Maaaring may alam silang mga lokal na mapagkukunan upang tulungan ka. O maaaring mayroon silang tauhan na makatutulong sa iyo.

Online Medical Reviewer: Daniel N Sacks MD
Online Medical Reviewer: Donna Freeborn PhD CNM FNP
Online Medical Reviewer: Heather Trevino
Date Last Reviewed: 8/1/2020
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.