Di-Regular Na Pagdurugo Ng Puwerta

Tinatawag din ang di-regular na pagdurugo ng puwerta na hindi normal na pagdurugo ng puwerta. Isa itong kondisyon kung saan hindi normal ang pagdurugo at nagaganap sa hindi inaasahang panahon ng buwan. Nangyayari ito dahil sa mga pagbabago sa mga hormone na tumutulong sa pagkontrol ng siklo ng regla ng babae sa bawat buwan.
Maaaring mas marami o mas kaunti ang pagdurugo kaysa sa normal. Kung madalas kang may maraming pagdurugo, ito ay maaaring humantong sa problema na tinatawag na anemia. Kapag may anemia, ang bilang ng iyong pulang selulang dugo ay masyadong kaunti. Ang mga pulang selulang dugo ay tumutulong sa pagdadala ng oksihino sa iyong buong katawan. Ang malalang anemia ay maaaring magdulot sa iyo ng pamumutla at pakiramdam na napakahina o pagod. Maaari ka ring maging madaling kapusin ng paghinga.
Para magamot ang di-normal na pagdurugo ng puwerta, maaari kang uminom ng mga gamot. Kung hindi makatulong ang mga ito, o kung mayroon ka pang ibang mga sintomas o umabot na sa menopause, maaaring kailanganin mo ang higit pang pagsusuri at gamutan. Talakayin ang lahat ng iyong mapagpipilian sa iyong tagapangalaga.
Pangangalaga sa tahanan
Mga Gamot
Kung niresetahan ka ng mga gamot, inumin mo ang mga ito ayon sa itinagubilin. Kabilang sa ilan sa mas karaniwang mga gamot na maaaring ireseta sa iyo ang:
-
Hormone therapy. Kasama sa mga ito ang karamihang pamamaraan ng hormonal birth control tulad ng mga pills, iniksyon, o naglalabas ng hormone na IUD.
-
Nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs), tulad ng ibuprofen
-
Tranexamic acid. Tumutulong ito sa pamumuo ng iyong dugo.
-
Mga iron supplement, kung mayroon kang anemia
Pangangalaga sa tahanan
-
Magkaroon ng sapat na pahinga kung madali kang mapagod. Huwag gumawa ng nakapapagod na ehersisyo.
-
Para matulungang maibsan ang pananakit o pamumulikat na maaaring mangyari habang may pagdurugo, subukang gumamit ng mainit na pantapal sa ibabang bahagi ng tiyan o likod. Maaari ding makatulong ang pagliligo ng mainit na tubig.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o tulad ng itinagubilin.
Kailan dapat humingi ng medikal na pagpapayo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung:
-
Dumadami ang lumalabas na dugo (basang-basa ang 1 pantapal o tampon kada isang oras nang mga 3 oras)
-
Tumitinding pananakit ng tiyan
-
Hindi regular na pagdurugo na lumalala o hindi bumubuti kahit na ginagamot
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Ang mga senyales ng anemia, tulad ng maputlang kutis, matinding pagkahapo o panghihina, o pangangapos ng hininga
-
Pagkahilo o pagkahimatay
Online Medical Reviewer:
Daniel N Sacks MD
Online Medical Reviewer:
Donna Freeborn PhD CNM FNP
Online Medical Reviewer:
Heather Trevino
Date Last Reviewed:
7/1/2020
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.