Impeksiyon sa Balat dahil sa Fungus (Tinea)

Nangyayari ang impeksiyon dahil sa fungus kapag napakaraming fungus ang tumutubo sa katawan o sa loob ng katawan. Karaniwang nabubuhay ang fungus sa balat nang kakaunti at hindi nagdudulot ng pinsala. Ngunit kapag masyadong maraming tumubo sa balat, nagdudulot ito ng impeksiyon. Kilala rin ito bilang tinea. Karaniwan at hindi kadalasang malubha ang impeksiyon sa balat dahil sa fungus.

Kadalasang nagsisimula ang impeksiyon bilang maliit, patag, kulay rosas na marka na kasinglaki ng isang gisantes. Maaaring matuyo at natutuklap ang balat. Maaaring mangati ang bahaging ito. Habang lumalaki ang fungus, kumakalat ito na isang pulang ring. Dahil sa itsura nito, madalas na tinatawag na ringworm ang impeksiyon sa balat dahil sa fungus. Ngunit hindi ito dulot ng bulate. Maaaring mangyari ang mga impeksiyon sa balat dahil sa fungus sa maraming bahagi ng katawan. Maaaring tumubo ang mga ito sa ulo, dibdib, mga braso, mga puwit, o mga binti. Sa mga paa, tinatawag na athlete's foot ang impeksiyon dahil sa fungus. Nagdudulot ito ng pangangati, kung minsan ay masasakit na mga sugat sa pagitan ng mga daliri ng paa at sa ilalim o mga gilid ng mga paa. Sa singit, tinatawag na jock itch ang pantal.

Mas madaling makakuha ng impeksiyon dahil sa fungus ang mga taong may mahihhinang immune system. Maaaring kabilang dito ang mga taong may diabetes, HIV, o kanser. Sa mga ganitong kaso, maaaring kumalat ang impeksiyon dahil sa fungus at nagdudulot ng malubhang sakit. Mas karaniwan din ang mga impeksiyon dahil sa fungus sa mga taong labis ang timbang.

Sa karamihang kaso, ginagawa ang paggamot sa pamamagitan ng antifungal cream o ointment. Kung nasa iyong anit ang impeksiyon, kakailanganin mong uminom ng gamot. Upang kumpirmahin ang diagnosis ng impeksiyon dahil sa fungus, maaaring kumuha ng isang maliit na kayod ng balat ang tagapangalaga ng kalusugan upang masuri sa isang laboratoryo.

Ginagamot ang mga karaniwang impeksiyon dahil sa fungus gamit ang mga cream sa balat o iniinom na gamot.

Pangangalaga sa tahanan

Sundin ang lahat ng tagubilin kapag ginagamit ang antifungal cream o ointment sa iyong balat.

Pangkalahatang pangangalaga:

  • Kung niresetahan ka ng iniinom na gamot, basahin ang impormasyon para sa pasyente. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga panganib at masasamang epekto.

  • Hayaang matuyo nang lubusan ang iyong balat pagkatapos maligo. Maingat na tuyuin ang iyong mga paa at pagitan ng iyong mga daliri sa paa.

  • Magsuot ng maluwag na damit na gawa sa bulak.

  • Huwag kamutin ang apektadong bahagi. Maaari nitong antalain ang paggaling at maaaring kumalat ang impeksiyon. Maaari din itong magdulot ng impeksiyon sanhi ng bakterya.

  • Panatilihing malinis ang iyong balat, ngunit huwag hugasan nang labis ang balat. Maaari nitong mairita ang iyong balat.

  • Tandaaan na maaaring tumagal ng isang linggo bago magsimulang mawala ang fungus. Maaaring tumagal ng 2 hanggang 4 na linggo upang ganap itong maalis. Upang maiwasan itong bumalik, gamitin ang gamot hanggang mawala lahat ng pantal.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung hindi gumagaling ang pantal pagkatapos ng 10 araw ng paggamot. Mag-follow up din kung kumalat ang pantal sa iba pang bahagi ng iyong katawan.

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

  • Pamumula o pamamaga na lumalala

  • Pananakit na mas lumulubha

  • Tumatagas na mabahong likido mula sa balat

Online Medical Reviewer: L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer: Michael Lehrer MD
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 5/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.