Sugat ng Tama ng Baril
Ngayong araw, hindi ipinakita ng iyong eksamin ang pinsala sa anumang malalim na organ o tisyu mula sa tama ng baril. Kung minsan maaaring hindi makita ang mas malalim na pinsala sa unang eksamin. Kaya bantayan ang mga palatandaang nasa ibaba. Kung iniwan ang mga piraso ng bala sa lugar, ito ay dahil maaaring magdulot ng mas maraming pinsala sa mga kalapit na tisyu ang pag-aalis ng mga ito. Kung iniwan ang isang piraso sa lugar, mabubuo ang pilat ng tisyu sa paligid nito. Kapag tapos na ang paghilom, madalas na hindi nagdudulot ng anumang sintomas ang mga piraso ng bala.
Pangangalaga sa tahanan
Tutulungan ka ng mga alituntuning ito na pangalagaan ang iyong sugat sa bahay:
-
Panatilihing malinis at tuyo ang sugat. Kung nilagyan ng benda at naging basa o marumi ito, palitan ito. Kung hindi, hayaan itong nakalagay sa sugat sa unang 24 na oras.
-
Kung iniwang bukas ang sugat o kung ginamit ang mga tahi, linisin ang sugat araw-araw:
-
Pagkatapos alisin ang benda, maingat na hugasan ang bahagi gamit ang sabon at tubig.
-
Pagkatapos linisin, pahiran ng manipis na layer ng antibiotic ointment. Pananatilihin nitong mamasa-masa ang sugat at gagawing mas madali ang pag-aalis ng mga tahi. Muling ilagay ang benda.
-
Maaari kang mag-shower gaya ng dati pagkatapos ng unang 24 na oras, pero huwag ibabad ang bahagi sa tubig (walang paliligo sa tub o paglangoy) hanggang maalis na ang mga tahi.
-
Kung ginamit ang mga pansara na surgical tape, panatilihing malinis at tuyo ang bahagi. Kung mabasa ito, patuyuin ito gamit ang tuwalya. Matapos alisin ang mga pansarang surgical tape, ligtas nang bumalik sa iyong mga karaniwang gawain.
-
Kung mangyari ang pagdurugo mula sa sugat, takpan ng gasa o tuwalya at lapatan ng matatag at direktang presyon nang hindi binibitiwan sa loob ng 5 buong minuto ayon sa orasan. Nagbibigay ito ng oras upang magkaroon ng pamumuo ng dugo. Kung hindi ito huminto sa pagdugo, bumalik kaagad sa ospital.
-
Maaari kang gumamit ng gamot para sa pananakit na nabibili nang walang reseta upang makontrol ang pananakit, maliban kung may ibang iniresetang gamot para sa pananakit. Tandaan: Kung mayroon kang hindi gumagaling na sakit sa atay o bato o nagkaroon ng ulcer sa sikmura o pagdurugo ng sikmura at bituka, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito.
-
Pagkatapos ng sugat ng tama ng baril, karaniwang magkaroon ng maraming malakas at hindi inaasahang mga pakiramdam. Napakakaraniwan at normal na mga pakiramdam lahat ang pagkagulat, takot, depresyon, paninisi at galit. Maaari ding mayroong:
-
Pangkalahatang pakiramdam ng pagkabalisa at takot tungkol sa iyong kaligtasan
-
Paulit-ulit na mga kaisipan o bangungot tungkol sa pangyayari
-
Nahihirapang makatulog o mga pagbabago sa gana sa pagkain
-
Pakiramdam ng depresyon, malungkot, o nanghihina
-
Iritable o madaling mabalisa
-
Pakiramdam na kailangang iwasan ang mga gawain, lugar, o tao na nagpapaalala sa iyo ng pangyayari
Follow-up na pangangalaga
Naghihilom ang karamihang sugat sa balat sa loob ng 10 araw. Maaaring mangyari ang impeksiyon ng sugat kahit mayroong tamang paggamot. Tingnan ang sugat araw-araw kung may mga palatandaan ng impeksiyon na nakalista sa ibaba. Dapat alisin ang mga tahi mula sa mukha sa loob ng 5 araw. Dapat alisin ang mga tahi mula sa iba pang bahagi ng katawan sa loob ng 7 hanggang 14 na araw. Kung ginamit ang mga pansara na surgical tape, hayaang kusang matanggal ang mga ito. Kung hindi kusang matanggal ang mga ito, ikaw mismo ang magtanggal sa mga ito pagkatapos ng 7 araw maliban kung iba ang sinabi. Susuriin ng isang radiologist ang anumang mga X-ray o na kinuha. Sasabihan ka kung may anumang bagong natagpuan sa iyong resulta na makakaapekto sa iyong pangangalaga.
Kung tumagal sa 3 linggo ang mga sintomas na emosyonal o pangkaisipan, maaaring mayroon kang mas malubhang reaksyon sa nakaka-trauma na stress. Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o sa isang tagapayo o psychotherapist. Mayroong mga paggamot na makakatulong.
Maaari ding mag-alok ng tulong ang organisasyong ito:
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Tumitinding kirot sa sugat
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Pamumula, pamamaga, o lumalabas na nana mula sa sugat
-
Pamamanhid malapit sa sugat kapag inalis ang mga tahi
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga ito:
-
Nagpapatuloy na pagdurugo mula sa sugat na hindi nakokontrol gamit ang direktang puwersa
-
Para sa mga sugat sa dibdib, likod, o tiyan: bantayan ang kakapusan sa hininga, masakit na paghinga, nadaragdagan na pananakit ng likod o tiyan, panghihina, pagkahilo, o pagkahimatay
Online Medical Reviewer:
Eric Perez MD
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Online Medical Reviewer:
Tara Novick
Date Last Reviewed:
1/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.