Mga First at Second Degree na Paso
Nangyayari ang paso kapag nalantad ang balat sa labis na init, araw, o matatapang na kemikal. Nagdudulot ng pamumula ang first-degree na paso (mababaw na paso), gaya ng di-malubhang pagkasunog ng balat sa araw. Naghihilom ito sa loob ng ilang araw. Ang second-degree na paso (bahagyang malalim na paso) ay mas malalim at nagdudulot ng pamumuo ng paltos. Maaari itong magtagal ng 2 linggo bago maghilom.
Pangangalaga sa tahanan
Sundin ang mga tagubilin na ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:
-
Sa unang araw, maaari kang maglagay ng malamig na compress para maibsan ang matinding pananakit. Maaari kang gumamit ng maliit na tuwalya na ibinabad sa malamig na tubig bilang malamig na compress. Huwag gumamit ng yelo dahil maaari itong magdulot ng mas maraming pinsala.
-
Kung naglagay ng benda, palitan ito isang beses sa isang araw, maliban kung iba ang sinabi sa iyo. Kung dumikit ang benda, ibabad ito sa malamig, malinis, at dumadaloy na tubig.
-
Bago palitan ang benda, hugasan ang iyong mga kamay. Pagkatapos, hugasan ang bahagi gamit ang sabon at malinis, at dumadaloy na tubig para maalis ang anumang cream, ointment, tagas, o langib. Maaari mo itong gawin sa lababo, sa gripo ng tub, o sa shower. Banlawan ang sabon at dampian ang bahagi ng malinis na tuwalya para matuyo. Suriin kung may mga senyales ng impeksiyon na nakalista sa ibaba.
-
Maglagay ng anumang iniresetang cream o ointment para maiwasan ang impeksiyon. Pinipigilan din nitong dumikit ang benda.
-
Takpan ang paso gamit ang gasang hindi dumidikit. Pagkatapos, balutin ito ng benda.
-
Palitan ang benda sa lalong madaling panahon kapag nabasa o nadumihan ito.
-
Maliban kung may iniresetang gamot sa kirot, gumamit ng gamot na nabibili nang walang reseta upang makontrol ang pananakit. Kung mayroon kang pangmatagalang sakit sa atay o kidney, makipag-usap sa iyong doktor bago gumamit ng acetaminophen o ibuprofen. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka na ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura at bituka.
-
Kumain ng mas maraming kalori at protina hanggang sa humilom ang sugat. Uminom ng maraming tubig. Mas mahalaga ito para sa napakalaking paso na sumasakop sa malaking bahagi ng balat.
-
Gumamit ng sombrero, sunscreen, at mahahabang manggas habang nasa arawan para protektahan ang iyong balat.
-
Huwag kutkutin o kamutin ang mga apektadong bahagi. Panatilihing maikli ang iyong mga kuko.
-
Magsuot ng maluluwang na damit.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan gaya ng ipinapayo. Naghihilom ang karamihan sa mga paso nang hindi naiimpeksiyon. Kung minsan, maaaring mangyari ang impeksiyon kahit na wasto ang paggamot. Tiyakin na suriin ang paso araw-araw para sa mga senyales ng impeksiyon na nakalista sa ibaba.
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung alinman sa mga senyales ng impeksiyon na ito ang mangyari:
-
Lumulubha ang kirot sa sugat
-
Lumulubha ang pamumula o pamamaga
-
Lumalabas ang nana mula sa sugat
-
Lumalabas ang mapupulang marka sa iyong balat mula sa paso
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Tila hindi naghihilom ang sugat
-
Pagkahilo o pagsusuka
Online Medical Reviewer:
Eric Perez MD
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Online Medical Reviewer:
Tara Novick BSN MSN
Date Last Reviewed:
7/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.