Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Cirrhosis

Harapang kuha ng balangkas ng babae na ipinakikita ang digestive system at atay na may cirrhosis.

Matatagpuan ang atay sa kanang bahagi ng iyong tiyan (abdoment). Nasa ilalim lamang ito ng tadyang. Maraming mahahalagang trabaho ang atay. Inaalis nito ang mga lason sa dugo. Tumutulong rin ito na ihinto ang pagdurugo ng namuong dugo. Nangyayari ang cirrhosis kapag nagkaroon ng pilat o napinsala ang atay. Permanente ang pagkasirang ito. Maaari itong magdulot ng paghinto ng paggana ng atay (pagpalya ng atay). 

Ang mga pinakakaraniwang sanhi ng cirrhosis ay ang pangmatagalang malakas na pag-inom ng alak at pagkakaroon ng hepatitis B o C. Kabilang din sa iba pang sanhi ang nonalcoholic steatohepatitis (NASH, o fatty liver disease), sakit na autoimmune, hemochromatosis, mga lason, ilang gamot, at ilang virus.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng cirrhosis ang:

  • Pagkapagod o panghihina

  • Pagkawala ng gana

  • Pagduduwal at pagsusuka

  • Madaling pagdurugo at pagkapasa

  • Pamamaga ng tiyan (abdomen)

  • Pagbaba ng timbang

  • Paninilaw ng mga mata o balat (jaundice)

  • Pangangati

  • Pagkatuliro

Tumutulong ang paggamot na maibsan ang mga sintomas at mapigilan ang higit pang pagkasira ng atay. Maaari ka rin makatanggap ng paggamot para labanan o gamutin ang virus na hepatitis. Makatutulong ang paghinto sa pag-inom ng alak na mapigilan ang paglubha ng sakit. Maaari din nitong mapigilan ang mga komplikasyon. Kapag lumubha ang cirrhosis at naging banta sa buhay, maaaring kailanganin mo ng pag-transplant ng atay. 

Pangangalaga sa tahanan

  • Huwag uminom ng mga gamot na makapagpapalubha sa pagkasira ng atay. Sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung kailangan mong palitan ang alinman sa mga iniinom mong gamot. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago inumin ang anumang gamot na inireseta. Kabilang sa mga ito ang anumang gamot na nabibili nang walang reseta, dietary supplement, at halamang-gamot. Maaaring makapagpalubha sa pagkasira ng atay ang ilan sa mga ito.

  • Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga gamot na mayroong acetaminophen o mga NSAID gaya ng ibuprofen at naproxen. Maaari itong makapinsala sa iyong atay at mga kidney.

  • Ihinto ang pag-inom ng alak. Kung nahihirapan kang ihinto ang pag-inom, humingi ng tulong sa propesyonal. Isaalang-alang ang pagsali sa Alcoholics Anonymous o isa pang uri ng programa sa paggamot para sa suporta. Magtanong sa iyong tagapangalaga para sa impormasyon sa pag-detoxify o mga rehabilitation center.

  • Kung gumagamit ka ng mga IV drug, mataas ang iyong panganib sa hepatitis B at C. Humingi ng tulong sa paghinto. 

  • Regular na mag-ehersisyo at panatilihin ang iyong timbang sa normal na antas. Humingi ng tulong mula sa iyong tagapangalaga kung mahirap ito para sa iyo. Gamutin ang anumang nakapaloob na kondisyon sa metabolismo. Napakahalaga nito dahil ang mga kondisyon ng metabolismo gaya ng labis na katabaan, mataas na presyon ng dugo, sakit sa puso, diabetes, at mataas na kolesterol ay maaaring humantong sa sakit sa atay o palubhain ito.

  • Tiyaking magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga inirerekomendang bakuna. Kabilang sa mga ito ang mga bakuna para sa mga virus na nagdudulot ng sakit sa atay.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo. Kung mayroon kang cirrhosis, maaaring kailanganin mo ng pagsusuri para tingnan kung may mga komplikasyon, kabilang ang kanser sa atay. Ipagpatuloy ang mga follow-up na appointment. Mahalaga ang patuloy na pagsubaybay sa pangkalahatan mong kalusugan at mga lab value.

Para sa higit pang impormasyon at para malaman ang tungkol sa mga grupong sumusuporta sa mga taong may sakit sa atay, makipag-ugnayan sa:

Kailan hihingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung:

  • Mabilis kang bumibigat, na may paglaki ng iyong tiyan (abdomen) o pamamaga ng binti

  • Lumulubha ang paninilaw ng balat o mga mata (jaundice)

  • Mayroon kang labis na pagdurugo mula sa mga hiwa o pinsala

  • Mayroong dugo sa iyong suka o pagdurugo mula sa iyong tumbong

Online Medical Reviewer: Jen Lehrer MD
Online Medical Reviewer: L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Date Last Reviewed: 6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer