Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Ano Ang Gestational Diabetes?

Ang gestational diabetes ay isang uri ng diabetis na nangyayari tuwing nagbubuntis. Hindi tulad ng type 1 diabetes, ang gestational diabetes ay hindi sanhi ng pagkakaroon ng napakakaunting insulin. Sa halip, pinipigilan ng mga hormone na ginawa ng iyong placenta ang iyong katawan na gamitin ang insulin ayon sa nararapat. Tinatawag itong paglaban sa insulin. Namumuo ang asukal sa dugo (glucose) sa iyong dugo sa halip na masipsip ng mga selula sa iyong katawan at ginagamit para sa enerhiya.

Maaari itong magdulot ng mataas na asukal sa dugo at maaaring maging sanhi ng mga problema para sa iyo at sa iyong sanggol. Maaari kang gumawa ng mga hakbang upang makontrol ang iyong asukal sa dugo. Makatutulong ang ito na mabawasan ang mga panganib para sa iyo at sa iyong sanggol.

Pamamahala sa gestational diabetes

Ang pagkain ng tamang pagkain ay makakatulong na panatilihing nasa ligtas na lebel ang sugar sa iyong dugo para sa iyo at sa iyong sanggol.

Kailangan mong kontrolin ang iyong asukal sa dugo habang buntis ka. Tutulungan ka ng pangkat na nangangalaga sa iyong kalusugan na gumawa ng isang plano upang gawin ito. Kasama sa planong ito ang:

  • Pagkain ng mga tamang pagkain. Ito ang pangunahing paraan upang makontrol ng iyong asukal sa dugo. Kailangan mong kumain ng iba't-ibang masusustansyang pagkain araw-araw. Para matulungan kang magplano ng mga pagbabago sa iyong diyeta, malamang na makikipagtulungan ka sa isang rehistradong dietitian (RD). Ito ay isang dalubhasa sa pagkain at nutrisyon. Maaaring isali ka ng dietitian sa isang programa sa nutrisyon upang matulungan kang maabot ang iyong mga layunin.

  • Pageehersisyo. Gumagamit ang iyong katawan ng mas maraming asukal sa iyong dugo kapag ikaw ay nageehersisyo. Matutulungan ka ng pangkat na nangangalaga sa iyong kalusugan na pumili ng pinakamahusay na uri ng ehersisyo para sa iyo.

  • Pagsusuri sa iyong asukal sa dugo. Malamang na kailanganin mong suriin ang iyong asukal sa dugo sa bahay. Gagawin mo ito nang 2 o mas marami pang beses sa isang araw. Malamang na susuriin mo ang iyong asukal sa dugo sa pag-aayuno at asukal sa dugo pagkatapos kumain (postprandial). Tuturuan ka ng pangkat na nangangalaga sa iyong kalusugan kung paano. Kakausapin ka nila tungkol sa iyong mga layunin sa asukal sa dugo. Maaari ding suriin ang iyong asukal sa dugo bawat linggo o higit pa sa isang klinika. Kung nanatiling napakataas ng iyong asukal sa dugo, maaaring kailanganin mong magkaroon ng mga turok ng insulin sa panahon ng iyong pagbubuntis.

Mga panganib sa iyong sanggol

Kung nanatiling mataas ang iyong asukal sa dugo, nasa panganib ang iyong sanggol para sa mga problemang ito:

  • Ang iyong sanggol ay maaaring lumaki nang husto. Kung mananatiling mataas ang asukal sa iyong dugo, maaaring lumaki nang labis ang iyong sanggol. Tinatawag itong macrosomia. Nangangahulugan ito na napakalaki ng iyong sanggol para sa ligtas na panganganak sa puwerta. Maaaring maipit ang balikat ng isang malaking sanggol sa pubic bone sa pagsilang. Tinatawag itong shoulder dystocia. Maaaring mapinsala ang mga braso at balikat ng sanggol. Maaari itong magdulot ng permanenteng pinsala sa braso. Maaari ding magkaroon ang sanggol ng mababang lebel ng oxygen (hypoxia) habang nakaipit siya. Maaaring humantong sa cerebral palsy ang hypoxia. Sa mga bihirang kaso, maaari itong humantong sa kamatayan.

  • Maaaring hindi ganap na lumaki sa pagsilang ang mga organ ng iyong sanggol. Kung ikaw ay may diabetes, maaaring kailanganin na maipanganak nang maaga ang iyong sanggol. Maaaring dahil ito sa mga problema sa pagbubuntis. O maaaring dahil ito sa mga panganib sa iyo o sa iyong sanggol. Kung isinilang nang maaaga ang iyong sanggol, maaaring hindi gumana nang maayos ang kanyang mga baga. Tinatawag itong respiratory distress syndrome. Maaaring hindi rin gumana nang normal ang atay ng iyong sanggol. At maaaring magkulay dilaw ang balat at mga mata (jaundice) ng iyong sanggol pagkatapos isilang.

  • Ang asukal sa dugo ng iyong sanggol ay maaaring mababa matapos maipanganak. Kung ang iyong asukal sa dugo ay masyadong mataas, ang iyong sanggol ay gagawa ng karagdagang insulin. Patuloy na gagawa ng dagdag na insulin ang iyong sanggol pagkatapos isilang. Maaaring kailanganin gamutin ang iyong sanggol para sa mababang asukal sa dugo.

  • Ang iyong sanggol ay maaaring ipanganak nang patay. Bihirang-bihira ito. Ngunit maaaring mamatay ang iyong sanggol bago isilang kung nanatiling mataas ang iyong asukal sa dugo nang napakatagal.

Mga panganib sa iyo

Kung hindi mo kokontrolin ang iyong asukal sa dugo, mas malamang na magkaroon ka ng:

  • Mataas na presyon ng dugo. Dahil sa mataas na asukal sa dugo, mas malamang na magkaroon ka ng mataas na presyon ng dugo sa panahon ng iyong pagbubuntis. Panganib ito sa iyong kalusugan. Maaari itong humantong sa maaagang pagsisilang sa iyong sanggol.

  • Mga impeksiyon. Ang mataas na asukal sa dugo ay mas malamang na magdulot sa iyo ng impeksiyon sa pantog, bato at sa iyong puwerta.

  • Problema sa paghinga. Maaari kang makaramdam ng pangangapos ng hininga. Maaaring maging sanhi ng labis na likido sa palibot ng sanggol ang pagkakaroon ng mataas na asukal sa dugo. Tinatawag itong polyhydramnios. Lumalaki ang iyong tiyan at itinutulak ang iyong mga baga.

  • Mahirap na pagle-labor. Maaaring mas mahirap ang iyong panganganak. At maaaring mas matagal ang iyong paggaling. Kung mananatiling mataas ang asukal sa iyong dugo, maaaring lumaki nang labis ang iyong sanggol. Ang isang malaking sanggol ay maaaring magdulot ng pinsala sa iyo habang ikaw ay nanganganak. O ang sanggol ay kailangang ipanganak sa pamamagitan ng cesarean section (C-section). Ito ay nangangahulugan na paghiwa (incision) sa iyong tiyan at matris. Karaniwang panganib ang C-section ng gestational diabetes.

Bawasan ang panganib sa hinaharap ng pagkakaroon ng type 2 na diabetes

Nasa mas mataas na panganib sa type 2 diabetes kinalaunan ang mga kababaihang mayroong gestational diabetes. Nasa mas mataas ka ring panganib para sa gestational diabetes sa iyong susunod na pagbubuntis. Makatutulong ka na mabawasan ang iyong panganib sa mga paraang ito:

  • Pababain ang sobrang timbang.

  • Maging aktibo hangga't kaya mo.

  • Kumain ng mas maraming prutas at gulay.

  • Kumain ng mas kaunting mga pinrosesong pagkain.

  • Magkaroon ng regular na mga pagsusuri ng dugo upang suriin ang diabetes.

  • Pasusuhin ang iyong sanggol.

Sino ang nasa panganib para sa gestational diabetes?

Mas nasa panganib ka kung:

  • Sobra ang iyong timbang

  • Mayroong kasaysayan ang pamilya ng diabetes

  • Nagkaroon ng sanggol na patay na bago ipanganak

  • Nagkaroon ng gestational diabetes sa nakalipas

  • Hispaniko, Aprikanong Amerikano, Amerikanong Indiano, Timog o Silangang Asyano, o Pacific Islander

Paano nakaaapekto ang mga pang-araw-araw na isyu sa iyong kalusugan

Maraming bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay ang nakaaapekto sa iyong kalusugan. Maaaring kabilang dito ang transportasyon, mga problema sa pera, pabahay, access sa pagkain, at pangangalaga sa bata. Kung hindi ka makapunta sa mga medikal na appointment, maaaring hindi ka makatanggap ng pangangalaga na kailangan mo. Kapag kulang ang pera, maaaring mahirap na mabayaran ang mga gamot. At maaaring maging mahirap na bumili ng masustansyang pagkain ang pagtira na malayo sa isang grocery store.

Kung mayroon kang mga alalahanin sa alinman sa mga ito o iba pang larangan, makipag-usap sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan. Maaaring may alam silang mga lokal na mapagkukunan upang tulungan ka. O maaaring mayroon silang tauhan na makatutulong sa iyo.

Online Medical Reviewer: Michael Dansinger MD
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 8/1/2023
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer