Pamamahala ng Stress Kapag Mayroon Kang Diabetes
Maaaring mahirap na masanay sa buhay na mayroong kondisyong hindi gumagaling. Maaari mong masumpungan ang iyong sarili na nakakaramdam ng galit, lungkot, o maging ng takot. Huwag kang mag-alala, normal lang ang mga pakiramdam na ito. Ngunit maaari talagang maapektuhan ng sobrang stress o kalungkutan ang iyong asukal sa dugo. Pag-aralan na bantayan ang mga palatandaan ng mga pakiramdam na ito. At dapat mong malaman na makakakuha ka ng tulong.
Pakikipag-usap sa iyong team na tagapangalaga ng kalusugan
Kung minsan, maaaring nakakadismaya ang pag-aaral na makontrol ang iyong asukal sa dugo. Maaaring mayroon kang mga tanong o takot tungkol sa kung paano babaguhin ng diabetes ang iyong buhay. Makatutulong ang iyong team sa pangangalaga ng kalusugan at masasagot ang iyong mga tanong. Maipapakita nila kung paano sundin ang iyong plano ng pagkain, maging mas aktibo, at suriin ang iyong asukal sa dugo. Huwag matakot na humingi ng tulong sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan.
Paghingi ng tulong mula sa iba

Hindi mo kailangang harapin ang diabetes nang mag-isa. Makatutulong sa iyo na mas mapangalagaan ang iyong sarili sa pagsuporta na mula sa kapamilya, mga kaibigan, o grupo ng suporta sa diabetes. Hingin sa iba na:
-
Makinig sa iyong mga nararamdaman. Makatutulong ito sa iyo na pagsikapang malampasan ang takot o galit.
-
Kainin ang parehong pagkaing iyong kinakain paminsan-minsan. Magiging malusog din ang iyong plano ng pagkain para sa iyong kapamilya at mga kaibigan.
-
Mag-ehersisyo kasama ka. Mahusay ang ehersisyo para sa lahat. Pinalalakas nito ang puso at tumutulong na mabawasan ang stress.
-
Samahan ka sa iyong pagbisita sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan. Tutulong ito sa iyong mga mahal sa buhay na malaman kung anong kailangan mong gawin.
Paglalaan ng oras para magrelaks
Maaaring mabawasan ang iyong stress sa pag-aaral kung paano magrelaks at paggawa ng mga bagay na ikinasisiya mo. Subukan ang yoga o pagmumuni-muni. O makinig sa ilang musika. Nakatutulong din ang pananatiling aktibo at pag-eehersisyo. Pag-aralan ang malulusog na paraan upang premyuhan ang iyong sarili kapag nakamit mo ang isa sa iyong mga layunin sa pangangalaga ng diabetes.
Mga paraan ng pagrerelaks
Upang irelaks ang iyong mga kalamnan at kalmahin ang iyng isipan:
-
Umupo o humiga sa isang upuan. Huminga nang mabagal at malalim. Pigilin ito sa loob ng 5 bilang. Pagkatapos, huminga palabas sa pamamagitan ng iyong bibig. Gawin ito hanggang relaks na ang iyong pakiramdam.
-
Habang humihinga ka nang malalim, paigtingin at pagkatapos ay irelaks ang iyong mga kalamnan sa iyong katawan. Magsimula sa iyong mga paa at gawin sa iyong katawan patungo sa iyong leeg at mukha.
-
Isipin na ikaw ay nasa isang mapayapang lugar, gaya ng tabing-dagat. Damhin ang init ng buhangin. Pakinggan ang mga alon. Amuyin ang dagat. Makatutulong ang paggawa nito na maramdaman mong mas relaks ka.
Mga aktibidad na makakatulong
Isipin ang mga bagay na gusto mo. Maaaring kaasama rito ang:
-
Pag-e-enjoy sa isang libangan
-
Pagninilay o pagdadasal
-
Paglalakad kasama ang isang kaibigan
-
Pag-eehersisyo
-
Pag-aalaga ng hayop
-
Paggawa ng journal
-
Pagsali sa social club o grupo
-
Pag-volunteer sa isang organisasyong pangkomunidad
-
Pag-aaral ng yoga o tai chi
-
Paggugol ng oras kasama ang mga taong pinagmamalasakitan mo
Pagtukoy sa depresyon
Maraming tao ang nalulungkot o nanlulumo kapag una nilang narinig na mayroon silang diabetes. Ngunit sintomas ng depresyon ang pakiramdam na walang magawa o walang pag-asa. Malubhang problema ang depresyon, ngunit maaari itong magamot. Kung nahihirapan kang makatulog o kumain, o kung naguguluhan ka, makipag-ugnayan sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Huwag maghintay! Humingi ng suportang kailangan mo upang bumuti ang pakiramdam sa pagkontrol ng diabetes.
Online Medical Reviewer:
Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer:
Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer:
Shaziya Allarakha MD
Date Last Reviewed:
4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.