Pasa sa Dibdib (Contusion)

Nagmumula ang pinakadingding ng dibdib sa mga balikat hanggang sa diaphragm o ilalim ng mga tadyang. Kasama nito ang harap at likod ng tadyang. Kasama rin dito ang mga buto sa dibdib, mga balikat, at mga collarbone. Maaaring makapinsala sa pinakadingding ng dibdib ang isang tahasang trauma, gaya ng aksidente sa kotse o pagkahulog. Tinatawag ang pinsalang ito na pamamasa sa pinakadingding ng dibdib (contusion).
Ang pinsala sa pinakadingding ng dibdib ay maaaring magresulta sa pananakit, pagiging maselan, pagkapasa, at pamamaga. Maaari din itong magresulta sa mga baling tadyang at napinsalang mga kalamnan. Nagdudulot ito ng pananakit, kadalasan habang humihinga. Kung nabali ang 1 o higit pang tadyang sa ilang bahagi, maaaring maging mabuway at masakit ang pinakadingding ng dibdib. Maaari itong magdulot ng malubhang problema sa paghinga.
Susuriin sa emergency room o sentro ng agarang pangangalaga ang anumang nabaling buto o iba pang pinsala. Maaari kang bigyan ng gamot para sa pananakit. Kadalasang gumagaling ang mga nabaling tadyang nang walang karagdagang paggamot. Kung minsan, mahirap sabihin kung nabali ang tadyang o nagkapasa lamang. Kadalasang pareho ang paggamot sa mga nabali at nagkapasa na tadyang. Maaaring lagyan ng tape o suportahan ng sakbat ang nabaling balikat o collarbone.
Pangangalaga sa tahanan
Sundin ang mga tagubilin na ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:
-
Magpahinga. Huwag magbuhat o gumawa ng mahihirap na gawain. Huwag gumawa ng anumang gawain na magdudulot ng pananakit.
-
Maglagay ng ice pack sa napinsalang bahagi. Gawin ito sa loob ng 20 minuto tuwing 1 hanggang 2 oras sa unang araw. Makagagawa ka ng ice pack sa pamamagitan ng paglalagay ng yelo sa isang plastic bag na naisasara sa ibabaw nito. Ibalot ang bag sa isang manipis na tuwalya. Gamitin ang ice pack nang 3 hanggang 4 na beses sa isang araw para sa susunod na 2 araw. Pagkatapos, gumamit ng ice pack kung kinakailangan upang maibsan ang pananakit at pamamaga.
-
Pagkatapos ng 1 hanggang 2 araw, maaari kang maglagay ng maligamgam na compress sa bahagi. Gawin ito sa loob ng 10 minuto ilang beses sa isang araw. Ang maligamgam na compress ay isang malinis na tela na mamasa-masa ng maligamgam na tubig.
-
Maglagay ng unan sa apektadong bahagi kapag umuubo ka. Makatutulong ito na maibsan ang kirot.
-
Maaari kang gumamit ng mga gamot para sa kirot na nabibili ng walang reseta, gaya ng acetaminophen, naproxen, o ibuprofen, para kontrolin ang kirot, maliban kung ibang gamot para sa kirot ang inireseta. Kung ikaw ay matagal nang may sakit sa atay o bato, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka na ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura at bituka.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo.
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Panibagong pananakit ng tiyan (abdomen) na lumulubha
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng ipinayo ng iyong tagapangalaga
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kapag nangyari ang anuman sa mga sumusunod:
-
Pagkahilo, panghihina o pagkahimatay
-
Kakapusan ng paghinga, hirap na huminga, o mabilis na paghinga
-
Lumulubha ang pananakit sa dibdib kapag humihinga ka
-
Matinding pananakit na biglaang nararamdaman o tumatagal nang higit sa isang oras