Pulmonya (Adulto)
Impeksiyon sa loob ng mga baga ang pulmonya. Ito ay nasa maliit na air sac (alveoli). Maaaring dulot ito ng virus, fungus, o bakterya. Ginagamot ang pulmonya na sanhi ng bakterya ng gamot na antibayotiko. Maaaring kailangang lunasan sa ospital ang mga malalang kaso. Maaaring lunasan sa tahanan ang mga katamtamang kaso. Maaaring kabilang sa mga sintomas ang lagnat, panginginig, at ubo (tuyo o may plema). Maaaring mayroon ka ng pananakit ng ulo, panghihina ng kalamnan, hirap sa paghinga, at pananakit. Kadalasang lumulubha ang mga sintomas na ito sa unang 2 araw. Ngunit kadalasang bumubuti ang mga ito sa unang linggo ng paggamot.

Pangangalaga sa tahanan
Sundin ang mga tagubilin na ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:
-
Magkaroon ng maraming pahinga. Umidlip kung kinakailangan. Kapag bumalik ka sa iyong karaniwang gawain, huwag hayaan ang iyong sarili na mapagod nang husto. Bumalik sa iyong mga gawain ayon sa ibinilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Ihinto ang paninigarilyo. Ito ang pinakamahalagang hakbang na puwede mong gawin para makatulong na malunasan ang pulmonya. Kung kailangan mo ng tulong upang huminto, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Lumayo sa usok ng sigarilyo ng iba. Huwag hayaan ang sinuman na manigarilyo sa inyong tahanan o sa iyong kotse.
-
Madalas na hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig. Kuskusin nang hindi bababa sa 20 segundo. Siguraduhing linisin ang ilalim ng iyong mga kuko at ang pagitan ng iyong mga daliri. Kapag hindi ka makapaghugas ng iyong mga kamay, gumamit ng hand sanitizer na may hindi bababa sa 60% alkohol.
-
Takpan ang iyong bibig at ilong kapag umuubo o bumabahin. Gumamit ng tisyu o sa loob ng iyong siko. Huwag umubo o bumahin sa isang iyong mga kamay. Itapon ang mga ginamit na tisyu. Siguraduhing hugasan ang iyong mga kamay matapos umubo, bumahin, o suminga.
-
Limitahan ang malapit na kontak sa ibang tao habang maysakit ka.
-
Lumayo sa maraming tao sa mga panahong uso ang sipon at trangkaso. Isaalang-alang ang pagsusuot ng mask sa lugar na maraming tao.
-
Uminom ng gamot para sa pananakit ayon sa itinagubilin. Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen upang makontrol ang lagnat o pananakit, malibang inireseta ang ibang gamot. Kung ikaw ay matagal nang may sakit sa atay o bato, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa iyong sikmura o mga bituka. Huwag magbigay ng aspirin sa iyong anak na mas bata sa edad na 19 maliban kung iniutos ng tagapangalaga. Maaaring malagay sa panganib ang bata sa pag-inom ng aspirin para sa Reye syndrome. Bihira ito ngunit napakaseryosong karamdaman. Pinakamadalas itong nakakaapekto sa utak at sa atay.
-
Uminom ng maraming tubig at iba pang likido. Mapaninipis nito ang plema at mas madaling maiuubo. Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano karaming tubig ang dapat mong inumin. Para sa maraming tao, mainam na mithiin ang 6 hanggang 8 baso (8 onsa bawat isa) sa isang araw. Kabilang sa iba pang likido ang mga sport drink, soda na walang caffeine, juice, tsaa, o sopas. Kung mayroon kang sakit sa puso o bato, tanungin ang iyong tagapangalaga bago ka uminom ng karagdagang mga likido.
-
Kumain kung kaya mo na. Maaaring hindi ka nagugutom, kaya mainam ang magaan na diyeta. Sundin ang plano ng paggamot ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Inumin ang mga gamot ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Kung niresetahan ka ng antibayotiko, inumin ito hanggang sa maubos, kahit pa mabuti na ang iyong pakiramdam pagkaraan ng ilang araw.
-
Sikaping manatiling malayo sa polusyon sa hangin. Kung nakatira ka sa isang lugar na may polusyon sa hangin, subaybayan ang mga ulat ng Air Quality Index (AQI). Planuhin ang iyong mga gawain sa labas kapag OK ang kalidad ng hangin.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan sa susunod na 2 hanggang 3 araw, o gaya ng ipinayo. Mahalaga na mag-follow up sa iyong tagapangalaga ayon sa itinagubilin upang tiyaking gumagaling ka. Maaaring kailanganin mo pa ng karagdagang mga pagsusuri kung hindi ka gumagaling.
Gumawa ng mga hakbang para makaiwas sa mga impeksiyon sa hinaharap. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong mga bakuna ang tama para sa iyo at kung kailan kukunin ang mga ito. Maaaring kasama rito ang mga bakuna laban sa trangkaso (flu), COVID-19, at pulmonya.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911kung nangyari ang alinman sa mga ito:
-
Hindi makapagsalita o makalunok
-
Nagkukulay asul, lila, o abo ang mga labi o balat
-
Pakiramdam na nahihilo
-
Pagkahimatay
-
Nahihirapang magising o may kamalayan
-
Pakiramdam na mamamatay
-
Hirap huminga o may sipol na paghinga
-
Lumulubha ang kakapusan sa hininga o hindi gumagaling sa paggamot
-
Mabilis na paghinga (mahigit sa 25 paghinga kada minuto)
-
Pag-ubo ng dugo
-
Lumulubha ang pananakit ng dibdib sa paghinga o hindi gumagaling sa paggamot
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Hindi ka gumagaling sa unang 2 hanggang 3 araw ng paggamot
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Giniginaw na nangangaligkig
-
Ubo na may plema na hindi gumagaling, o lumulubha
-
Kakapusan sa hininga sa mga gawain
-
Panghihina, pagkahilo, o pagkahimatay na lumulubha
-
Pagkauhaw o tuyong bibig na lumalala
-
Pananakit ng sinus, pananakit ng ulo, o paninigas ng leeg
-
Pananakit ng dibdib sa paghinga o pag-ubo
-
Mga sintomas na lumalala o hindi gumagaling
Online Medical Reviewer:
Andrew D Schriber MD
Online Medical Reviewer:
Jessica Gotwals BSN MPH
Online Medical Reviewer:
Marianne Fraser MSN RN
Date Last Reviewed:
12/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.