Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Allergic Rhinitis

Ang allergic rhinitis ay isang reaksyon sa allergy na nakaaapekto sa ilong, at kadalasan sa mga mata. Madalas itong kilala bilang mga allergy sa ilong. Kadalasang sanhi ng nalalanghap na mga bagay sa paligid ang mga allergy sa ilong. Depende sa kung saan ka sensitibo, maaaring mangyari lamang ang mga allergy sa ilong tuwing partikular na panahon, o maaari itong mangyari sa buong taon. Kabilang sa mga pangkaraniwang allergen sa loob ng bahay ang mga hanip, amag, ipis, at balakubak ng alagang hayop. Kabilang sa mga panlabas na allergen ang pollen mula sa mga puno, damo, at damong-ligaw. 

Kabilang sa mga sintomas ang tumutulong sipon, barado, o makating ilong. Kabilang din sa mga ito ang pagbahin at mapupula at makakating mata. Maaari kang makaramdam ng pagkapagod nang mas madalas. Maaari din makaapekto ang malulubhang allergy sa iyong paghinga at magsimula ng kondisyong tinatawag na hika. 

Maaaring isagawa ang mga pagsusuri para malaman kung ano-anong mga allergen ang nakaaapekto sa iyo. Maaari kang i-refer sa isang espesyalista sa allergy para sa pagsusuri at higit pang ebalwasyon.

Pangangalaga sa tahanan

Maaaring magreseta ang iyong tagapangalaga ng kalusugan ng mga gamot para makatulong na maibsan ang mga sintomas ng allergy. Maaaring kabilang sa mga ito ang mga iniinom na gamot, nasal spray, o pamatak sa mata. Inumin ang mga ito ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga. Huwag ipagamit sa iba ang mga iniresetang gamot na ito.

Humingi ng payo sa iyong tagapangalaga kung paano umiwas sa mga substansya kung saan ka may allergy. Nasa ibaba ang ilang payo para sa bawat uri ng allergen.

Balakubak ng mga alagang hayop:

  • Huwag mag-alaga ng mga hayop na may balahibo.

  • Kung mayroon kang alagang hayop, ilayo ito sa iyong kuwarto at sa mga muwebles na binalutan ng tela.

  • Huwag haplusin, yapusin, o halikan ang alagang hayop. Kung humahawak ka sa alagang hayop, hugasan ang iyong mga kamay pagkatapos.

Pollen:

  • Kapag marami ang pollen, panatilihing nakasara ang mga bintana ng iyong kotse at bahay. Kung maaari, gumamit ng air conditioner sa halip.

  • Magsuot ng filter mask kapag nagtatabas o nagtatrabaho sa bakuran. Mag-shower, hugasan ang buhok, at magpalit ng mga damit pagkapasok galing sa labas.

Mga hanip sa bahay:

  • Labhan ang mga pansapin sa kama linggo-linggo sa mainit na tubig at sabong panlaba at patuyuin sa mainit na setting.

  • Takpan ng mga allergy cover ang mga kutson, box spring, at mga unan. 

  • Kung maaari, matulog sa kuwartong walang karpet, mga kurtina, o muwebles na binalutan ng tela.

Mga ipis:

  • Itabi ang mga pagkain sa mga selyadong lalagyan.

  • Panatilihing malinis ang mga kabinet at sahig at walang durog na pagkain.

  • Alisin kaagad ang mga basura sa bahay.

  • Ayusin ang mga tumatagas na tubig.

  • Harangan ang lahat ng lugar na maaaring pasukan ng mga ipis sa bahay. O ipatanggal ang mga ipis sa propesyunal na exterminator.

Amag:

  • Panatilihing mababa ang halumigmig sa pamamagitan ng paggamit ng dehumidifier o air conditioner. Panatilihing malinis at walang amag ang dehumidifier at air conditioner.

  • Linisin ang mga lugar na may amag gamit ang bleach at tubig. Huwag ihalo ang bleach sa iba pang panlinis.

Sa pangkalahatan:

  • Mag-vacuum nang isa o dalawang beses sa isang linggo. Kung maaari, gumamit ng vacuum na may high-efficiency particulate air (HEPA) filter.

  • Huwag manigarilyo. Lumayo sa usok ng sigarilyo ng iba. At huwag hayaan ang mga taong manigarilyo sa iyong bahay o kotse. Nagdudulot ang usok ng sigarilyo ng iritasyong maaaring makapagpalubha ng mga sintomas.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up ayon sa ipinayo ng tagapangalaga ng kalusugan o ng aming tauhan. Kung ini-refer ka sa isang espesyelista sa allergy, gawin kaagad ang appointment na ito. Itanong sa iyong tagapangalaga kung mabuti para sa iyo ang pagsusuri ng alllergy o allergy immunotherapy (gaya ng mga turok para sa allergy).

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang mga ito:

  • Pag-ubo

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

  • Maumbok na mapulang pantal (hives)

  • Mga sintomas na bago, nagpapatuloy, o lumulubha

Tumawag sa 911

Tumawag kaagad sa 911 kung mayroon kang:

  • Hirap sa paghinga

  • Malubhang pamamaga ng mukha o matinding pangangati ng mga mata o bibig

  • Paghingang may humuhuni o pangangapos ng hininga

  • Paninikip ng dibdib

  • Pagkahilo o pagkalula

  • Pakiramdam na mamamatay

  • Pananakit ng sikmura, kabag, pagsusuka, o pagtatae

Online Medical Reviewer: Deborah Pedersen MD
Online Medical Reviewer: Jessica Gotwals BSN MPH
Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Date Last Reviewed: 6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer